Ito po ay may kaugnayan sa kumalat na balita na di umano’y nagkaroon ng biglaang pagbaba ng lebel ng tubig ng lawa sa baybayin ng Muntinlupa City kahapon, Mayo 15, 2020 bandang ika-apat ng hapon. May lumabas din po na teyoryang galling sa isang Geologist na ang biglaang pagbaba ay dahil sa pagbitak ng lupa sa ilalim ng lawa. Ang balitang ito ay labis na ikinabahala ng ilan sa ating mga kababayan at nagpa abot ng kanilang katanungan at humingi ng paliwanag o opinion mula sa LLDA hinggil sa bagay na ito.

Batay po sa paliwanag ng aming technical staff, ang nasabing ‘phenomenon’ ay tinatawag na “seiche”, isang pansamantalang pagkagambala o pag-taas baba sa antas ng tubig ng isang lawa, sanhi ng mga pagbabago sa atmospheric pressure o lakas ng hangin. Maiihalintulad ito sa storm surge na nangyayari sa coastal area dulot ng isang bagyo. Ang seiche o storm surge ay na-obserbahan ng LLDA na nangyayari noong bagyong Frank(Typhoon Fenshen) noong taong 2008 na kung saan makikita ang pagkakaiba ng lebel ng tubig sa lawa habang dumadaan ang bagyo. Mayroon ding ganoong pangyayari nang dumaan ang bagyong Rosing noong 1995 na batay sa mga kuwento ng mga nakaranas nito ay sumira sa maraming kabahayan ng lawa.

Batay sa nakitang biglaang pagbabaw sa lugar ng Muntinlupa, sa amin pong paglagay na gaya ng mga nagdaang bagyo, itinulak po ng hangin ng bagyong Ambo ang tubig sa lugar ng Muntinlupa papunta sa kabilang dako ng lawa (sa lugar ng Rizal o Laguna). Pagkatapos na pumihit ang direksyon ng bagyo, may posibilidad na yung kabilang dako naman ang parang matutuyuan ng tubig samantalang tataas naman yaong tubig sa may lugar ng Muntinlupa.

Dahil ang obserbasyon ng pagbabaw sa area ng Muntinlupa ay nangyari habang dumaan ang bagyong Ambo, maliit ang posibilidad na ito po ay sanhi ng isang geological event o pagbitak ng lupa sa Laguna Lake. Kung totoong may pagbitak ng lupa na humigopp ng tubig na naging dahilan ng biglaang pagkawala nito, dapat ay Nakita rin sa ibang lugar ng baybay lawa ang pagbabaw nito. Hindi naman possible na ang tubig ng Laguna Lake ay hind imaging pantay. Hindi magiging pantay ito kung may malakas na pwersa, gaya ng ihip ng hangin (or sustained wind) dulot ng isang bagyo.

Gayundin, dahil nasa mababang lebel ang Laguna Lake sa mga panahong ito, hindi po natin inaasahan ang mataas na pag angat ng tubig dahil sa storm surge, taliwas sa nangyari noong bagyong Rosing.

Makikita po sa ibaba ang mabilis na pag aaral na ginawa ng LLDA staff gamit ang numerical models upang maipakita ang naging pag-galawng tubig ng lawa dahil sa bagyong Ambo. Ang resulta po ng model ay base lamang po sa mga impormasyon na nakuha naming sa PAGASA at sa mga available; wala pa pong validation na ginawa ukol ditto kaya’t hindi po naming sinasabi na ang resulta nito ay kaparehas ng aktuwal na nangyari. Ito po ay upang maipakita lamang po natin ang maaaring naging pag-galaw ng lawa dulot ng isang bagyo.

Gayunpaman, hindi pa rin natin isinasantabi ang opinion ng ibang eksperto tungok sa naging obserbasyon kahapon. Inaanyayahan po naming ang lahat na magbahagi ng kanilang karanasan o opinion ukol sa pangyayaring ito.