Ito po ay may kaugnayan sa kaso ng walang-awang pagpatay sa dalawang mangingisda na ipinarating sa aming tanggapan noong unang linggo ng buwang kasalukuyan.

Ayon sa impormasyon na aming nakalap, ang dalawang mangingisda na sila G. JAYSON CAPRE at MARK ANTHONY MEJIA, parehong taga Purok 2, Brgy. Sinalhan, Santa Rosa City, Laguna, ay pumalaot sa lawa ng Laguna upang mangisda bandang 4:30 ng madaling araw noong ika-3 ng Mayo 2020.

Matapos na hindi bumalik sa pampang ng araw na iyon, ang insidente ay agad na ipinaalam sa mga may kapangyarihan na agad namang nagbuo ng grupo para sa dagliang paghahanap kasama ang mga kaanak, miyembro ng local na opisyal ng Santa Rosa at Biñan, miyembro ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC), Bantay Lawa, Philippine National Police (PNP), at ang Philippine Coast Guard (PCG).

Sa loob ng dalawang araw na paghahanap, may nakapag-bigay ng impormasyon na may nakitang patay na tao na lulutang-lutang sa baybayin ng lawa ng Muntinlupa City. Matapos ang ilang oras, naunang nakita ang kawatan ni G. Capre sa lugar ng Daang Lantsa, Brgy. Alabang, Muntinlupa City bandang 11:30 ng gabi noong Mayo 5, 2020 at ang bangkay naman ni G. Mejia ay natagpuan kinabukasan, Mayo 6, 2020 bandang ika-4 ng hapon sa Brgy. Sucat, Muntinlupa City. Ang mga nakuhang bangkay ay nakitaan di umano ng mga saksak ng mga patali, sa ibat-ibang parte ng katawan, nakatali ng fishing nets ang mga kamay at paa, at may nakasaklob na plastic sa kanilang ulo.

Mula po nang unang maiparating sa amin ang balitang ito, agad pong nakipag-ugnayan ang LLDA sa Pangulo ng Santa Rosa FARMC, PNP at PCG upang malaman ang buod ng pangyayari at estado ng imbestigasyon, gayundin sa mga kaanak ng mga biktima upang iparating ang aming taos-pusong pakikiramay.

Nais po naming ipahayag ang matinding pagkondena sa pangyayaring ito; ang LLDA po ay kaisa ng lahat ng sector sa paghahanap ng hustisya para sa mga biktima. Kung kaya minabuti po namin, sa tulong ng patalastas na ito na ipaalam sa madla ang nagyari upang mabigyan ng katarungan ang mga nasawi.

Kung sino mang po ang nakasaksi o nakaalaam ng buod ng pangyayari sa krimen ito, mangyari po lamang na ipagbigay alam sa PNP-Muntinlupa na may hawak ng kaso o dili kaya ay makipag-ugnayan sa aming tanggapan. Asahan po ninyo na anumang impormasyon na inyong ilalahad ay agad naming ipagbibigay-alam sa mga may hawak ng kaso gayundin ang pagtatago sa inyong detalye bilang proteksyon at pagsasa-alang-alang sa inyong kaligtasan. Maari po kayong tumawag sa numerong (02) 8376-5460 local 131 o 143, o di kaya ay mag e-mail sa ogm@llda.gov.ph.

Muli, asahan ninyo ang patuloy naming pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan at sa pamilya ng mga biktima. Pagtulungan po natin na makamit ang hustisya para sa mga kaawa-awang biktima ng malagim na krimeng ito.

Read also: LLDA condemns ‘brutal’ killings of 2 fishers  |  Inquirer.net