Nitong Hunyo 2020, nagsagawa ang mga tauhan ng LLDA ng imbestigasyon sa iba’t ibang lugar sa Lawa ng Laguna na napaulat na may fishkill o pagkamatay ng isda.  Ito ay sa mga lugar na nasasakupan ng Barangay Malaya at Quisao, Pililla, Rizal at sa Barangay Kinaboogan, Kaytome, Kalinawan, Limbon-limbon at Ithan na nasa Binangonan, Rizal.  Batay sa isinagawang imbestigasyon, maaring nagkaroon ng matinding pagdami ng liya sa lawa sa mga nabanggit na lugar dulot ng sobrang init ng panahon at nang umulan ay posibleng biglang nagbago ang temperatura ng tubig sa lawa na ikinamatay ng mga liya.  Ang oxygen naman sa tubig ay nagkulang dulot ng mga nabubulok na mga liya na naging sanhi ng pagkamatay ng isdang nasa fishcages.

Ang pagdami ng liya sa lawa ay nakakatulong sa mabilis na paglaki ng isda nguni’t sa panahon na ito ay sobra ang dami ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa mga isdang nasa fishcages o fishpens.

Batay sa pag-aaral, ang liya na karaniwang nagkakaroon ng matinding pagdami sa Lawa ng Laguna ay ang Microcystis aeruginosa.  Ito ay dumadami kapag kalmado o tining ang lawa, masyadong mainit ang panahon at maraming sustansiya sa tubig na ang pangunahing pinanggagalingan ay mula sa mga bahayan sa paligid ng lawa.  Mapapansin ang matinding pagdami ng liya kapag ang tubig ng lawa ay naging kulay berde at ang liya habang dumadami ay nagbuo-buo na nakalutang sa ibabaw ng lawa.  May pagkakataon na ang lawa ay mistulang may pinturang kulay berde na nakalutang.

Bagama’t ang sobrang dami ng liya sa lawa ay nagbibigay ng maraming oxygen sa buong maghapon bukod sa nagsisilbing pagkain ng isda sa lawa, ang maraming oxygen na naibigay nya sa araw ay ginagamit naman nila sa gabi sa kanilang paghinga.   Kaya kung maraming isda ang nasa fishcages o fishpens, nagkakaroon ng kakulangan sa oxygen na kinakailangan ng isda sa gabi. Ito ay maaaring magdulot ng “stress” sa isda at kung hindi sila makabawi sa epekto nito, ito ay magresulta sa pagkamatay ng mga isda na ang mga namatay ay madalas makikita sa umaga bago sumikat ang araw.

Kapag napansin ng mga fishcage o fishpen operators na umiibabaw ng paglangoy ang mga isda at sumisinghap para kumuha ng oxygen sa labas,   inirerekomenda na patakbuhin ang kanilang bangkang de motor sa lugar na kulang ang oxygen para mapupunan ang kakulangan ng oxygen sa tubig at mahahawi at maiiwasan din ang pagbuo-buo ng mga liya. Maaari ring gumamit ng mga de gasolinang mga aerators o paddle wheel para matugunan ang kakulangan sa oxygen.  Ang mga bagay na ito ay dapat gawin kada dalawang oras sa gabi hanggang madaling araw.